Dr. Princess P. Cruz (Guro sa IKaanim na Baitang)

Nasungkit ng Sun Valley Elementary School Drum and Lyre Corps ang unang puwesto nitong nakaraang Pebrero sa 26th Paranaque Cityhood Anniversary na ginanap sa Ayala Malls Manila Bay.

Isang nakabibighaning balita ang bumulaga sa mga tagasuporta ng SVES Drum and Lyre Corps, matapos nilang nasungkit ang unang puwesto sa prestihiyosong kompetisyon ng drum and lyre sa kanilang lungsod.

Sa kabila ng matinding labanang kanilang pinagdaanan, laban sa dalawampu’t anim na paaralang lumahok sa kompetisyon, ipinamalas ng koponan ang kanilang kahusayan at dedikasyon sa pagpapalakas ng musika at pagtatanghal. Hindi matatawaran ang dedikasyon at oras na ibinahagi ng kanilang mga tagapagsanay lalo’t higit si Sir Rodrigo D. Toledano Jr.,guro ng SVES.

Sa pamamagitan ng kanilang mga kagiliw-giliw na sayaw at kahanga-hangang tugtog, hindi lamang sila ang nagwagi, kundi pati na rin ang kanilang komunidad na patuloy na sumusuporta sa kanilang mga tagumpay.

Ang tagumpay na ito ay hindi lamang nagbibigay-inspirasyon sa kanilang koponan kundi pati na rin sa iba pang kabataan na mangarap at magsumikap para sa kanilang mga layunin sa musika at sining.