Dr. Princess P. Cruz (Guro sa Ikaanim na Baitang)

Isang malaking tagumpay ang muling natamo ng mga manlalaro mula sa Sun Valley Elementary School (SVES) matapos na mamayagpag sa Cluster Meet 2024 sa iba’t ibang kategorya. Sa kabila ng matinding laban, ipinakita ng mga mag-aaral ng SVES ang kanilang galing at dedikasyon sa larangan ng palakasan.

          Ang paglahok sa Cluster Meet ay hindi lamang pagkilala sa kakayahan ng mga manlalaro kundi pati na rin sa kanilang determinasyon na ipagpatuloy ang tradisyon ng tagumpay sa larangan ng palakasan. Ayon sa kanilang punongguro na si Gng. Virginia V. Ramos, “Ang mga manlalaro mula sa SVES ay nagpamalas ng husay at disiplina sa kanilang mga laro, patunay na ang  aming paaralan at mga coaches ay patuloy na nagbibigay ng suporta at pagkakataon sa kanilang mga estudyante upang magpakita ng kanilang natatanging kakayahan”

          Sa taong ito, nagbunga ang matagal na paghahanda at pagtitiyaga ng mga manlalaro ng Badminton at Taekwondo na nagkamit ng kampeonato sa tulong rin ng kanilang mga coach. Ang pagiging bahagi ng Cluster Meet ay hindi lamang tagumpay para sa kanilang paaralan kundi pati na rin para sa buong komunidad na patuloy na sumusuporta at nagmamalasakit sa kanilang mga tagapagdala ng bandila.

          ipinakita nila na ang pagiging isang manlalaro ay hindi lamang tungkol sa pagkapanalo, kundi pati na rin sa pagpapakita ng disiplina, pagpupunyagi, at pagkakaisa bilang isang koponan.           Sa darating na Marso, ang top 3 sa bawat kategorya ang kakatawan sa City Meet 2024 na gaganapin sa Paranaque City. Patuloy nating suportahan at ipagmalaki ang tagumpay ng mga manlalaro ng SVES sa kanilang paglahok sa City Meet 2024.